Saturday, September 26, 2015

KALIGIRAN/PANIMULA

Iyo pa bang ginagamit ang nakagisnang wika? O  tuluyan mo na itong binalewala? Ang sariling wika ay sumasalamin sa kulturang ating kinagisnan. Sa pamamagitan ng wika nakikilala ang kultura ng isang bansa. Dahilan sa ito ang nagbibigay ng titulo , katawagan o paglalarawan sa kulturang mayroon tayo. Ngunit sa pagbabago ng panahon, nagkakaroon din ng pagbabago sa wikang kinagisnan na maaaring magdulot ng paglimot sa kulturang  iningatan ng ating mga ninuno.
Sa pag-usbong ng makabagong henerasyon ay marami naring pagbabago sa pamumuhay ng mga Pilipino. Naging madali sa atin ang makasagap ng impormasyon sa pamamagitan ng mga social networking sites, text messaging, mass media at iba pa.  Halimbawa na lamang ang pagkakaroon ng impormasyon ukol sa mga nangyayaring karahasan, kalamidad, at kasiyahan sa bansa. Dahilan nga sa laganap na ang iba’t ibang uri ng media mabilis tayong magkaroon ng komunikasyon sa ibang tao sa loob at labas ng bansa. Ito rin ang nagbunsod upang makagawa ng maraming bagong salita  na hindi nararapat na mabuo sapagkat ito’y hindi angkop sa lengwaheng nakasanayan. Dahilan sa kagustuhan ng mga Pilipino na mapadali ang komunikasyon sa ibang tao kaya pinaiikli nila ang mga salita o “shortcut”.  Ang pagnanais na makisabay sa kung ano ang uso at pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan ng grupo ay nagdudulot upang mabuo ang mga salitang pabebe, jejemon, bekimon, mga wikang fliptop, mga ginawang bagong terminolohiya sa mga malalalim na salita, tulad ng “beki” na ang ibig sabihin ay “bakla”, at “mudrabels” na ang ibig sabihin ay “nanay”. Mabilis itong kumalat o matutunan ng iba sapagkat laganap ang iba’t ibang uri ng media sa bansa.  

Ang isyung ito ang lubhang makakaapekto sa kulturang kinagisnan sa oras na hindi natin gamitin ang sariling wika. Sa pagsilang ng makabagong wika hindi na napagtutuunan ng pansin ang wikang Pilipino halimbawa na lamang ang mga wika sa mga literaturang Ibong Adarna kung susuriin marahil wala pa sa kalhati ng mga salitang naroon ang alam natin ang ibig sabihin. Ito ay dahil nasakop na ang ating isipan ng makamodernong salita. Ang isyung ito magdudulot ng kalituhan sa ating pagkakakilanlan sa oras na ibaon natin ang wikang kinagisnan.




No comments:

Post a Comment