Iyo
pa bang ginagamit ang nakagisnang wika? O tuluyan mo na itong binalewala? Ang sariling wika ay
sumasalamin sa kulturang ating kinagisnan. Sa pamamagitan ng wika nakikilala
ang kultura ng isang bansa. Dahilan sa ito ang nagbibigay ng titulo , katawagan
o paglalarawan sa kulturang mayroon tayo. Ngunit sa pagbabago ng panahon, nagkakaroon
din ng pagbabago sa wikang kinagisnan na maaaring magdulot ng paglimot sa
kulturang iningatan ng ating mga ninuno.
Sa
pag-usbong ng makabagong henerasyon ay marami naring pagbabago sa pamumuhay ng
mga Pilipino. Naging madali sa atin ang makasagap ng impormasyon sa
pamamagitan ng mga social networking sites, text messaging, mass media at iba
pa. Halimbawa na lamang ang pagkakaroon
ng impormasyon ukol sa mga nangyayaring karahasan, kalamidad, at kasiyahan sa bansa.
Dahilan nga sa laganap na ang iba’t ibang uri ng media mabilis tayong magkaroon
ng komunikasyon sa ibang tao sa loob at labas ng bansa. Ito rin ang nagbunsod upang
makagawa ng maraming bagong salita na
hindi nararapat na mabuo sapagkat ito’y hindi angkop sa lengwaheng nakasanayan.
Dahilan sa kagustuhan ng mga Pilipino na mapadali ang komunikasyon sa ibang tao
kaya pinaiikli nila ang mga salita o “shortcut”. Ang pagnanais na makisabay sa kung ano ang uso
at pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan ng grupo ay nagdudulot upang mabuo
ang mga salitang pabebe, jejemon, bekimon, mga wikang fliptop, mga ginawang
bagong terminolohiya sa mga malalalim na salita, tulad ng “beki” na ang ibig
sabihin ay “bakla”, at “mudrabels” na ang ibig sabihin ay “nanay”. Mabilis
itong kumalat o matutunan ng iba sapagkat laganap ang iba’t ibang uri ng media
sa bansa.
Ang
isyung ito ang lubhang makakaapekto sa kulturang kinagisnan sa oras na hindi
natin gamitin ang sariling wika. Sa pagsilang ng makabagong wika hindi na
napagtutuunan ng pansin ang wikang Pilipino halimbawa na lamang ang mga wika sa
mga literaturang Ibong Adarna kung susuriin marahil wala pa sa kalhati ng mga
salitang naroon ang alam natin ang ibig sabihin. Ito ay dahil nasakop na ang
ating isipan ng makamodernong salita. Ang isyung ito magdudulot ng kalituhan sa
ating pagkakakilanlan sa oras na ibaon natin ang wikang kinagisnan.